CAMP GEN. VICENTE LIM, Calamba City, Laguna – Siyam na rebeldeng New People’s Army (NPA) na kumikilos sa Quezon ang sumuko sa gobyerno Biyernes, Hulyo 15. Ito ay sa pagnanais na sila ay makapamuhay ng matiwasay.
Hindi nagdulot ng kapayapaan sa kanila at sa mga pamilyang naiwan ang kanilang buhay sa pagtatago.
Sa paghihintay na naipangako sa kanila, nagdesisyon na raw silang sumuko nang mapagtanto nilang mas naging mahirap ang buhay para sa kanila kumpara sa ipinangako sa kanila ng Leftist group.
Ayon sa kanila, naisipan nilang sumuko matapos nilang malaman na nagbibigay ng mga programa ang gobyerno sa mga dating rebelde upang matulungan silang magkaroon ng maayos at sustinidong kabuhayan. Ito ang nag udyok sa kanila para sumuko at magbagong buhay.
Ang siyam na rebelde, ayon sa Police Regional Office (PRO) 4-A, ay boluntaryong sumuko matapos ang masinsinang pagkumbinsi ng Regional Mobile Force Battalion 4-A at Infanta, Quezon police station. Walang naiulat na nasaktan dahil sa masinsinang pakikipag usap at kusang pagsuko ng mga ito.
Kabilang sila sa Kilusang Larangan Gerilya (KLG)-Narciso at mga natirang nalansag na KLG-Cesar.
Ibinigay ng mga sumuko sa mga awtoridad ang isang Colt M16 (defaced) na may dalawang mahabang magazine na may 58 rounds ng bala at isang shotgun na may tatlong round ng bala.