Posibleng makaranas ng rotational brownout ang Metro Manila at iba pang lugar na sineserbisyuhan ng Meralco kung tumigil sa pagsusuplay ng kuryente ang dalawang power plant sa Luzon.
“Dalawa lang ang puwedeng maging impact nito sa mga consumer, kung wala kaming makuha eh naturally, magkakaroon nga ‘yan ng rotational brownout at kung may makuha naman kami, mas malaki ang presyo, mas malaki ang babayaran ng customers kumpara doon sa kini-claim ng San Miguel na ₱5.25 bilyon,” paliwanag ni Meralco Regulatory Management head Ronald Valles na ang tinutukoy ay ang hirit nilang i-adjust ang kontrata para masalo ang pagtaas ng presyo ng fuel na nagpapagana sa mga planta.
Kaagad namang kinontra ng grupong Power 4 People ang hirit ng Meralco at San Miguel Power Plants dahil sa sinasabing paglabag nito sa kontrata.
“Bakit kapag ang mga kumpanya ay kumikita nang labis labis sa panahong mataas ang presyo ng kuryente, pinapasa sa mga consumers ay okay lang? And now na parang may problema…ay at the brunt ulit ng electricity consumers, di ‘ata tama,” ani Gerry Arances, convenor ng grupo.
Tiniyak naman ng Energy Regulatory Commission (ERC) na pag-aaralan nila nang husto ang petisyon ng Meralco at dalawang power plant.